dzme1530.ph

Ulat na pang-dalawang araw na lamang ang rice buffer stock ng NFA, kukumpirmahin pa ng DA

Kukumpirmahin pa ng Department of Agriculture ang ulat na hanggang pang-dalawang araw na lamang ang buffer stock sa bigas ng National Food Authority (NFA).

Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni DA Undersecretary Mercedita Sombilla na aalamin niya muna ang pamamaraan ng kalkulasyon ng NFA kaugnay ng buffer-stock.

Kukumpirmahin din nito kung pang-buong bansa ba ang sinasabing 2-day buffer stock.

Sa kabila nito, inamin ni Sombilla na napakababa na ng kasalukuyang suplay ng NFA, at kailangan nilang kumilos para mapataas ito.

Kaugnay dito, nakikipag-usap na umano ang NFA sa National Rice Program, mga kooperatiba, at iba pang grupo upang madagdagan ang kanilang buffer stock.

Ipinaliwanag din ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na sa ilalim ng pinaplantsang contract growing, bibilhin ng direkta sa mga magsasaka ang kanilang ani sa halagang P21.00 hanggang P22.00 per kilo, at bibigyan pa sila ng mga insentibo tulad ng fertilizers at mga makinarya.

Mababatid na sa ilalim ng Rice Tariffication Law, obligado ang NFA na magpanatili ng 9-day buffer stock ng bigas para sa emergencies. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author