Itinanggi ng Malakanyang na may itinalaga nang permanenteng kalihim ng Department of Agriculture (DA) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Ito ay matapos lumabas ang ulat mula sa isang online news article na sinabing nakatakda na umanong pangalanan ni Marcos bilang DA Sec. ang negosyanteng si Francisco Tiu Laurel Jr..
Ayon sa Presidential Communications Office, walang kumpirmasyon ang ulat sa pagpili kay Laurel bilang agriculture chief.
Si Laurel ang presidente ng food processing company na Frabelle, at isa siya sa mga top donor sa kampanya ni Marcos noong 2022 Elections.
Mababatid na sa pagsisimula ng kanyang termino ay nagpasiya ang Pangulo na siya muna ang uupong DA Sec., upang matutukan niya ang mga problema sa agrikultura.
Gayunman, sinabi kamakailan ni Executive Sec. Lucas Bersamin na inaasahang pipili na ang Pangulo ng permanenteng kalihim ng nasabing kagawaran. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News