![]()
Nanawagan si Sen. Imee Marcos sa gobyerno na ipakita sa publiko ang tunay na kalagayan ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbuo ng “Agriculture Data Dashboard.”
Layunin ng digital dashboard na ito na ipakita kung saan napupunta ang pagkain, magkano ang presyo, at gaano kalaki ang importasyon ng bansa.
Giit ni Marcos, araw-araw ay binabaha ng imported na produkto ang bansa, subalit marami pa ring Pilipino ang nagugutom.
Sa pamamagitan ng dashboard, makikita umano ang aktwal na ani, suplay, presyo mula bukid hanggang palengke, at dami ng inaangkat na produkto.
Nais ng senadora na matigil ang pang-aabuso ng mga mapagsamantalang trader at middleman na kumikita habang lugmok ang mga magsasaka.
Paliwanag ni Marcos, kung may sapat na datos, alam ng gobyerno kung kailan dapat mag-angkat, at alam ng publiko kung bakit tumataas ang presyo ng bilihin.
Dagdag pa nito, oras nang tapusin ang mga “luto-lutuan” sa datos na nagdudulot ng pagkalugi sa mga magsasaka at pagtaas ng presyo ng pagkain.
