Aminado si Sen. Grace Poe na naalarma siya sa dumaraming bilang ng mga aksidente at injuries sa kalsada.
Sinabi ni Poe na dapat magsilbing hudyat ito sa mga kinauukulan upang umaksyon na at magpatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang ganitong uri ng trahedya.
Isinusulong ng senador na dapat nang agad na maipasa ang Transportation Safety Bill na inihain niya sa Senado.
Sa ilalim ng Senate Bill 1121 o ang panukalang Philippine Transportation Safety Board, layung magtatag ng ahensyang mangangasiwa sa pag-iimbestiga sa mga insidente at aksidenteng may kaugnayan sa transportasyon sa himpapawid, lupa, dagat, riles at pipeline systems.
Itinatakda rin sa panukala ang pagkakaroon ng mahahalagang hakbang tulad ng mas mahigpit na inspeksyon ng mga pampublikong sasakyan, mas pinahusay na proseso ng pagbibigay ng lisensya sa mga driver, mas mahigpit na pagsasanay at mas epektibong safety measures para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada, iginiit ng senadora na dapat may sapat na kaalaman ang mga driver tungkol sa kondisyon ng kanilang sasakyan, pagsunod sa batas-trapiko at pagiging alerto sa lagay ng lansangan.
Ang mga driver naman aniya ng mga pampublikong sasakyan, kabilang na ang motorcycle taxi driver, ay dapat isailalim sa libreng training sa pamamagitan ng TESDA.