Bagamat nagagalak ay itinuturing pa ring hamon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tumaas na satisfaction rating ng kanyang administrasyon sa Social Weather Stations survey, para pagbutihin pa ang trabaho.
Ayon sa Pangulo, ito ang maituturing na pabuya para sa kanilang pagdodoble-kayod.
Ang positibong ratings ay nagpapataas umano sa sigla ng gobyerno, kaya’t patuloy na tututukan ang mga pangunahing adhikain para sa pagtupad ng pangako sa mga Pilipino.
Iginiit pa ni Marcos na ang kanilang pagsusumikap ay hindi layuning makakuha ng popularidad kundi maghatid ng totoo at epektibong serbisyong mag-aangat sa pamumuhay ng publiko, magpapatatag sa bayan, at magpapaganda sa kinabukasan.
Mababatid na sa pinaka-huling SWS survey, tumaas sa “good” mula sa “moderate” ang rating ng Pangulo kung saan 62% ng Adult Filipinos ang nagsabing kuntento sila sa administrasyon. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News