dzme1530.ph

Tumaas na bilang ng mga Pilipinong nagugutom batay sa SWS Survey, patunay sa napapanahong pagpapatupad ng Food Stamp Program

Inihayag ng Department of Social Welfare and Development na ang dumaming bilang ng mga Pilipinong nagugutom batay sa second quarter survey ng Social Weather Stations, ay patunay ng napapanahong pagpapatupad ng Food Stamp Program.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, ito ang nagpapakita na nasa tamang direksyon ang administrasyon sa paglulunsad ng programa para sa pinaka-mahihirap na pamilyang Pilipino.

Ipina-alala ni Lopez na kabuuang isang milyong food-poor families ang target na maging benepisyaryo ng Food Stamp, upang makamit ang “Zero hunger Philippines” pagdating ng taong 2027.

Matatandaang lumabas sa SWS survey na tumaas sa 10.4% mula sa 9.8% ang bilang ng mga pamilyang nagsabing sila ay nakaranas ng “involuntary hunger” mula Marso hanggang Hunyo ngayong taon.

Noong Hulyo naman ay umarangkada ang pilot implementation ng Food Stamp Program sa Tondo Maynila, kung saan ang mga benepisyaryo ay binigyan ng tap cards na nagkakahalaga ng P3,000, para ipambili ng mga pangunahing pagkain mula sa food baskets sa DSWD accredited retailers. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author