Positibo kay OFW Party List Rep. Marissa Del Mar Magsino ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara bilang unconstitutional ang probisyon ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.
Salig sa RA 11199, naging compulsary ang SSS coverage sa lahat ng land at sea-based OFWs, subalit sa Rule 14, Section 7 ng IRR, dapat bayaran na agad ang SSS contributions bago pa man sila makaalis ng bansa lalo na kung ang host country ng OFW ay walang Social Security o Bilateral labor Agreement sa Pilipinas.
Ayon sa nag-iisang kinatawan ng OFW sa Kongreso, mahalaga ang SSS contributions para sa seguridad ng mga manggagawa, subalit hindi dapat ito sinisingil ng advance.
Mas lalong hindi rin aniya dapat gamitin ang advance payment ng SSS sa mga rekisitos bago iproseso ang Overseas Employment Certificate (OEC) ng isang OFW na kailangan para makaalis ng bansa.
Saad pa ni Magsino, ang dapat ilagay sa IRR ay mekanismo na titiyak at magpapabilis sa pagkuha ng SSS benefits ng OFWs at hindi pabigat.