Tiniyak ng Department of Education (DepEd) ang agarang pagbibigay ng suporta sa mga paaralan at kawani nitong naapektuhan ng habagat at bagyong Crising.
Ayon kay DepEd Sec. Sonny Angara, labis ang pag-aalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mag-aaral na naapektuhan ang kanilang pag-aaral dahil sa masamang panahon, gayundin sa mga paaralang ginawang evacuation centers, at sa mga guro na apektado rin ng kalamidad.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ni Angara sa mga paaralan ang pagpapagana ng kanilang contingency plans upang maprotektahan ang mga learning materials at equipment.
Dagdag pa rito, kumilos na rin ang Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd para ilabas ang pondo na gagamitin sa clearing operations at paglilinis ng mga paaralang binaha.
Tiniyak ng kalihim na hindi pababayaan ng ahensya ang mga guro at paaralan sa gitna ng kalamidad at gagawin ang lahat ng hakbang upang agad silang makabangon at maipagpatuloy ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.
Nabatid na nasa 24,648 na paaralan ang apektado ng masamang panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.