Binawi na kahapon ng hapon ng PHIVOLCS ang naunang tsunami alert matapos ang malakas na 8.8-magnitude na lindol na tumama sa silangang baybayin ng Russia.
Ayon sa ahensiya, walang naitalang mapaminsalang tsunami waves sa bahagi ng Philippine Sea mula nang tumama ang lindol bandang alas-7:25 ng umaga, kahapon.
Paliwanag ng PHIVOLCS, halos wala nang epekto ang naitalang kaunting sea level disturbances, kaya kanselado na ang mga naunang rekomendasyon para sa insidenteng ito.
Una nang inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na agad ilikas ang mga residenteng naninirahan sa mga baybaying bayan na nakaharap sa Pacific Ocean, bilang pag-iingat sa posibleng tsunami na maaaring umabot sa mas mababa sa isang metro.