Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) sa publiko na “temporary setback” lamang ang temporary restraining order (TRO) na inisyu kamakailan laban sa kanilang bagong supplier ng driver’s license cards.
Inaasahan din ng LTO na matatapos ang lahat ng license card backlog pagsapit ng katapusan ng 2023.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang TRO na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 125 ay batay sa petisyon ng dating license card supplier ng ahensya na AllCard Inc., at inaasahang matutugunan ito sa Martes sa susunod na linggo.
Binigyang diin ni Mendoza na ang tanging dahilan para pahintuin ang pag-iimprenta ng bagong license cards sa bagong printer at supplier ng LTO na Banner Plasticard Inc., ay kung mayroong “grave and irreparable damage” sa dating supplier.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Mendoza na nakapag-deliver na ang Banner Plasticard Inc. ng nasa 100,000 cards at dapat ay makapag-deliver ito ng kabuuang 1-M cards sa loob ng 60 araw bago inilabas ang TRO. –sa panulat ni Lea Soriano