dzme1530.ph

TRB, NLEX, kinalampag sa lumalalang lagay ng trapiko sa expressway sa kabila ng dagdag na toll fee

Isang linggo mula nang magpatupad ng dagdag singil sa toll sa North Luzon Expressway (NLEX), patuloy pa rin ang reklamo ng mga motorista sa lumalalang sitwasyon ng trapiko sa expressway, lalo na kapag peak hours.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat ay inobliga muna ng Toll Regulatory Board (TRB) ang operator ng NLEX na tugunan ang problema sa trapiko sa kahabaan ng toll road bago ito pumayag na magtaas ng toll.

Iginiit ng senador na ang pumapalpak na electronic toll collection system ng NLEX Corporation ay isa sa sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa mga toll booth.

Dapat din anyang tiyakin ng NLEX ang regular na pagpapanatili ng maayos at ligtas na expressway para sa kaginhawaan ng mga gumagamit ng daan.

Nagbabala pa si Gatchalian na lalala pa ang daloy ng trapiko sa NLEX kapag nagbukas na sa 2027 ang bagong international airport sa Bulacan.

Ipinalala ng senador na maraming motorista ang dumaraan sa NLEX dahil gusto nilang makarating nang mabilis sa kanilang mga destinasyon at kung hindi ito natutugunan ay nangangahulugan na hindi nagsisilbi nang maayos ang NLEX at hindi ito dapat pinapayagan ng TRB na magdagdag singil. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author