dzme1530.ph

Travel tax, dapat nang tanggalin

Loading

Napapanahon nang tanggalin ang travel tax dahil nahahadlangan nito ang karapatan ng mga Pilipinong makapaglakbay.

Ito ang iginiit ni Sen. Erwin Tulfo sa pagsusulong ng Senate Bill 1409 o ang panukalang naglalayong alisin na ang travel tax, alinsunod sa pinirmahan ng Pilipinas noong 2002 na “ASEAN Tourism Agreement.”

Sinabi ng senador na halos 14 na taon na ang lumipas mula nang pirmahan ng Pilipinas ang ASEAN Tourism Agreement, ngunit nagpapataw pa rin ang bansa ng travel tax.

Ang panukala aniya ay isang konkretong hakbang upang matiyak na ang paglalakbay ay magiging mas patas, accessible, at makatwiran ang presyo para sa mga Pilipino.

Ang koleksyon sa travel tax ay napupunta sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Board of Travel and Tourist, Commission on Higher Education, at National Commission for Culture and the Arts.

Sa kasalukuyan, ang travel tax rates para sa economy hanggang first-class passage ay naglalaro mula ₱1,620 hanggang ₱2,700.

Ang standard reduced ay nasa ₱810 hanggang ₱1,350, at ang privileged reduced para sa mga dependent ng overseas Filipino workers ay ₱300 hanggang ₱400.

Iginiit ni Tulfo na kung talagang gusto ng gobyerno na paunlarin ang sektor ng turismo ng bansa at makipagsabayan sa mga kalapit na bansa sa Timog-Silangang Asya, kailangang alisin ang mga balakid na nagpapahina sa kakayahan ng mga Pilipinong maglakbay.

About The Author