Iginiit ni Sen. JV Ejercito na dapat magpatupad ng travel ban laban sa mga opisyal na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Ejercito na dapat isailalim sa immigration watchlist ang mga indibidwal na nasa likod ng mga proyekto upang maiwasan ang pagtakas ng mga ito sa bansa.
Nais din ng senador na ipatawag sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga regional directors, district engineers, at assistant district engineers na isinasangkot sa iregularidad.
Muli ring ipinanawagan ni Ejercito sa kanyang mga kasamahan na ipasa na ang Proposed Masterplan for Infrastructure and National Development Act na layong maglatag ng long-term at strategic blueprint para sa lahat ng government infrastructure projects.
Aniya, sa pamamagitan ng komprehensibong masterplan ay mapapabilis ang paggawa ng mga big-ticket infrastructure projects at maiiwasan ang paulit-ulit na paglutang ng mga ghost projects.