![]()
Hindi maaapektuhan ang Senado sa isyung kinakaharap ng ilang senador kaugnay ng iregularidad sa flood control projects.
Ito ang tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na iginiit na hindi demoralisado ang mga senador kahit may ilan silang kasamahan na inirekomendang kasuhan dahil sa umano’y anomalya sa proyekto.
Ipinaliwanag ni Sotto na posibleng may mga naghihinala na isa itong pag-atake sa Senado, ngunit nakatuon aniya ang kanyang atensyon sa pagtupad ng tungkulin bilang Senate President at sa mga mahahalagang panukala na dapat maaprubahan.
Tiniyak ng Senate leader na tuloy-tuloy ang trabaho ng mga senador, at muling binigyang-diin na pangunahing layunin sa ilalim ng kanyang liderato ang maipasa ang 2026 national budget bago matapos ang taon.
Tumanggi naman muna ang mambabatas na magbigay ng reaksyon sakaling masampahan ng kaso sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan, dahil hindi pa aniya kongkreto ang mga impormasyon at may mga legal na proseso para harapin ang anumang kaso kung sakaling matuloy ito.
