dzme1530.ph

Totoong operasyon at malalaking tao sa likod ng mga ni-raid na POGO, ipinasisiwalat kay Alice Guo

Hinimok ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian si Guo Hua Ping o Alice Guo na magsalita na, makipagtulungan sa mga awtoridad, at isiwalat ang totoong operasyon at “malalaking tao” sa likod ng mga ni-raid na POGO.

Ito aniya ay upang mabawasan ang pananagutan, ng suspendidong alkalde lalo pa’t maaari siyang maharap sa patong-patong pang kaso ngayon at maliwanag na ang tunay niyang pagkakakilanlan.

Si Guo, kasama ang iba pa, ay una nang kinasuhan ng non-bailable qualified human trafficking ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Balak naman ng Office of the Solicitor General na magsampa ng quo warranto case laban sa kanya matapos makumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Alice Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisang tao sa pamamagitan ng magkatugmang fingerprints.

Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsasampa ng election offense laban sa suspendidong alkalde ng Bamban.

Dahil sa kanyang kaugnayan sa Bamban POGO hub at Porac POGO hub, naniniwala si Gatchalian na si Guo ay nasa posisyon upang magbigay-linaw sa mga pangunahing indibidwal at operasyon na nagpapatakbo ng mga kriminal na aktibidad o mga sindikato.

Inaasahan na ang kanyang testimonya ay makatutulong nang malaki sa mga law enforcement agencies at regulatory bodies sa kanilang pagsisikap na buwagin ang mga ilegal na operasyon ng POGO at papanagutin ang mga gumagawa ng krimen.

About The Author