Sinalakay ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang isang car hub dealer sa Barangay Ugong, Pasig City sa bisa ng LOA na pirmado ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Matapos ang surveillance monitoring sa naturang tindahan, napag alamang aabot sa 197 na iba’t-ibang luxury at sports cars ang naka-imbak at ibinebenta sa mga parokyano nang walang dokumento.
87 sa mga nasabing unit ang natukoy na may kuwestiyonableng dokumento, kabilang ang ilang unit ng Lexus, Mercedes Benz, Porsche Macan, Jaguar, GMC Savana, McLaren, Ferrari, Lamborghini, Audi, at Land Rover.
Iginiit ni CIIS Director Verne Enciso na walang tight lockdown na naganap sa showroom, dahil ito ay isang compound ng business area o establishment.
Pinabulaanan din ni Enciso na ang nasabing “espesyal na operasyon” ay pinamunuan ng isang Deputy Commissioner at isang abogado ng ibang grupo.
Sa halip, binigyang-diin ng opisyal na ang raid ay resulta ng intelligence operation ng CIIS ng BOC sa pangunguna ni Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy.
Bantay sarado ngayon ng mga ahente at BOC officials ang naturang hub habang pinoproseso ang pagsumite ng duties and taxes. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News