Hiniling ni Sen. Erwin Tulfo sa Senate Finance Committee na pag-aralang ibalik ang ₱39 milyon na tinapyas sa hinihiling na budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.
Mula sa inisyal na kahilingan na ₱942 milyon, ₱902.89 milyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).
Giit ni Tulfo, makabubuting maibalik ang nabawas na pondo upang maipatupad nang maayos ng OVP ang kanilang mga programa, partikular na para sa social services.
Ayon sa OVP, ang naturang halagang tinapyas ay nakalaan sana para sa procurement ng Information and Communication Technology (ICT) equipment.
Matapos ang manifestation ng suporta ng ilang senador, agad namang inaprubahan ng komite ang panukalang budget ng OVP.
Nagpasalamat si Vice President Sara Duterte sa mabilis na pagtalakay sa kanilang pondo.
Giit nito, wala silang bagong programang isinama sa panukalang budget dahil naniniwala itong hindi rin naman ibibigay ng administrasyon kung hihiling siya ng mas mataas na pondo.