dzme1530.ph

Tigil-pasada, bigong maparalisa ang public transport sa NCR at mga kalapit probinsya

Inihayag ng Palasyo na nabigo ang transport groups na naglunsad ng tigil-pasada, na ma-paralisa ang pampublikong transportasyon sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nag-concentrate lamang sa NCR ang transport protesters, at hindi sila nakakuha ng malaking suporta mula sa mga rehiyon.

Iginiit pa ng binuong Inter-Agency Task Force Monitoring Team na mangilan-ngilang ruta lamang ang naapektuhan ng transport strike, at hindi lumagpas sa 500 ang bilang ng mga nakilahok dito.

Kaagad din umanong rumesponde ang mga pulis sa mga napaulat na panghaharas sa mga tsuper na hindi nakiisa sa tigil-pasada.

Naging generally peaceful din ang sitwasyon sa CALABARZON, nanatiling normal ang operasyon ng EDSA busway, at walang na-monitor na tigil-pasada sa Cavite at Rizal.

Idinagdag pa ng Palasyo na ang maagang pag-aanunsyo ng DepEd at CHEd sa paggamit ng iba’t ibang learning platforms para maipagpatuloy ang edukasyon, at ang ipinakalat na libreng-sakay ng gobyerno at mga LGU ay malaki ang naitulong upang maibsan ang epekto ng transport strike.

About The Author