Naniniwala si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na ang paglaganap ng text scams ang nakatulong sa pagkumbinsi sa mga kapwa niya senador para mapirmahan ang committee report tungkol sa pagpapaalis ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Matatandaang noong Marso pa unang inilabas ni Gatchalian ang report ng kanilang kumite tungkol sa isyu pero ngayon lang nakakalap ng sapat na pirma para mai-endorso sa plenaryo ang kanyang rekomendasyon.
Iginiit ng senador na malaking tulong ang mga naging pagdinig ng Senado tungkol sa mga text scam at iba pang online scams para makakalap sila ng suporta sa mga kapwa senador.
Ito ay makaraang madiskubre na nagagamit ang mga POGO sa mga text at iba pang online scam.
Nakasaad sa committee report na inirerekomenda ang tatlong buwan na phase out ng mga POGO sa bansa
Ipinaliwanag ng committee chairman na ito ay para mabigyan ng sapat na panahon ng pag aabiso sa SEC, lokal na pamahalaan at sa pag upa ng mga opisina ng mga POGO.
Gayunpaman, kung ang personal na opinyon ni Gatchalian ang tatanungin ay mas nais niyang agad nang ipasara ang mga POGO.
Target ni Gatchalian na maipresenta sa plenaryo ng Senado ang committee report sa susunod na linggo umaasa rin ang senador na bago matapos ang taon ay maaaprubahan ang kanilang committee report. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News