dzme1530.ph

Teves, pinoprotekhan ng warlords sa ibang bansa

Patuloy umano na nagtatago sa Southeast Asia at pinoprotektahan ng ilang local warlords si expelled Negros Oriental Representative Arnolfo Teves, Jr.

Ito ang matapang na inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang media briefing.

Ayon sa kalihim, may nakarating sa kanya na balita na may ilang local warlords umano na kumakanlong kay Teves kaya hindi pa rin natutukoy ang mismong kinaroroonan nito hanggang ngayon.

Pero titingnan aniya ng kagawaran ang kanilang magagawa lalo pa at mas madali na para sa Pilipinas na kwestyunin ang mga bansa sa ilalim ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kaugnay sa kung bakit mayroong pumuprotekta sa isang fugitive, na kamakailan lang ay idineklara bilang “terorista”.

Dagdag pa ng DOJ Chief, isinasapinal na nila ang liham na isusumite sa United Nations upang makuha ang tulong ng mga miyembrong bansa nito para matunton si Teves.

Nabatid na nito lamang September 5, 2023, nag-isyu ang Manila Court ng arrest warrant laban sa dating congressman dahil sa kasong pagpatay kay former Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa siyam na iba pa noong Marso. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author