Hinimok ng isang abogado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isumite sa International Criminal Court (ICC) ang testimonya ni Retired Police Colonel Royina Garma sa imbestigasyon ng quad committee ng Kamara.
Kaugnay ito sa cash reward kapalit ng pagpaslang sa drug suspects sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration.
Sinabi ni Atty. Kristina Conti, ICC-accredited lawyer, na dapat malaman ng ICC ang anumang materyal o mahalagang impormasyon tungkol sa madugong kampanya ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.
Idinagdag ni Conti na ang salaysay ni Garma ay nag-e-establish ng pattern sa mga pagpaslang at makapagtuturo sa pinaka-responsable sa likod ng lahat ng mga insidente. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera