Kumbinsido ang Quad Committee na tumutugma ang mga testimonya ng tatlong inmates na humarap sa imbestigasyon at nagsumite ng kani-kanilang affidavit.
Una ay ang testimonya nina Leopoldo Tan, Jr. at Fernando Magdadaro, na kapwa umamin na sila ang binayaran para patayin ang tatlong Chinese drug lord na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016.
Sa sumunod na pagdinig humarap naman at nagbigay ng kanyang sinumpaang salaysay si Jimmy Fortaleza, dating pulis at nakakulong din sa pasilidad ng DPPF.
Sa affidavit ni Fortaleza naka-detalye ang serkumstansya sa pagpatay sa 3 Chinese dug lord.
Nang isagawa umano ang pagpatay nagkarinig sila ng sigawan sa loob ng bartolina kung saan magkakasama sa loob ang 3 Chinese at dalawang preso.
Si Nonie Foro, ang kumander ng prison guard ang una umanong rumisponde sa lugar ng bartolina kung saan may komusyon.
Bago ang patayan, sinabi ni Fortaleza na naging bisita niya si Col. Royina Garma, at tinanong kung nasaan ang 3-Chinese drug lord na nuo’y nasa foreigner’s quarter.
Sa affidavit nina Magdadaro at Tan nabanggit na si Garma ang kumausap sa kanila para patayin ang tatlong drug lord na intsik kapalit ng kalayaan at tig-iisang milyong piso sa bawat ulo ng tatlo. —sa panulat ni Ed Sarto