Panahon nang magkaroon ng training at livelihood program para sa mga dating drug dependents ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ito ang binigyang-diin ni Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education Chairman Chiz Escudero makaraang aminin ng TESDA na wala silang livelihood at training programs na eksklusibo sa mga rehabilitated drug users.
Ayon kay Escudero, makabubuting bumuo ng isang programa para sa mga pagsasanay at pangkabuhayan para sa mga dating drug dependents upang maituluy-tuloy ang kanilang pagbabago.
Inatasan ni Escudero ang Dangerous Drug Board (DDB), Department of Labor and Employment (DOLE), Commission on Higher Education (CHED) at TESDA na bumalangkas at isama sa kanilang kasunduan ang mga tailored-fit programs para sa mga dating drug dependents.
Nais din ni Escudero na ma-institutionalize ang mga programa bilang suporta sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na kumikilala sa pangangailangan ng tuluy-tuloy na programa para sa gamutan at rehabilitation ng mga indibidwal na dating nalulong sa iligal na droga. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News