dzme1530.ph

Termination ng DOT sa kontrata ng DDB Philippines, makatwiran lang

Kinatigan ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang desisyon ng Department of Tourism (DOT) na i-terminate na ang kontrata nito sa DDB Philippines na nagdulot anya ng kahihiyan sa bansa.

Sinabi ni Revilla na makatwiran ang pag-terminate sa kontrata kasunod ng kontrobersiya sa paggamit ng foreign stock footages sa launching video ng ‘LOVE THE PHILIPPINES’ campaign.

Nakikiisa ang senador sa galit na nararamdan ng mga Pilipino sa pagkakamaling ito ng ad agency na nagresulta sa pagkakakompromiso ng bagong lunsad na tourism campaign ng DOT.

Kasabay naman nito, binati ng mambabatas ang DOT sa mabilis na pag aksyon sa pagpapanagot sa DDB Philippines.

Iginiit ni Revilla na ang magagandang nasimulan ng DOT sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Christina Frasco ay hindi dapat madiskaril dahil lang sa kapalpakan ng ad agency.

Ito lalo na aniya’t nasimulan na ng kasalukuyang liderato ng DOT ang pagpapasiglang muli ng mga lokal na industriya at turismo na lubos na pinadapa ng COVID19 pandemic.

Nanawagan din ang senador na magtulungan at magkaisa dapat ang lahat para maipakita sa buong mundo ang kagandahan ng higit pitong libong isla ng Pilipinas, maging ang ating resilient Filipino spirit at pagbabayanihan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author