Pormal nang inihayag ni dating Bayan Muna Congressman at ngayon ay Tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan Teddy Casiño ang pagsabak nito sa senatorial race sa 2025.
Ayon kay Casiño, ngayong “Ninoy Aquino Day” at sa harap ng bantayog ng mga martir at bayani ng paglaban para sa kalayaan, katarungan at katotohanan, inihahayag nya ang tumakbo bilang senador.
Aniya, ang pagpaslang kay Ninoy ang nagmulat na sa sama-samang pagkilos ng taumbayan, nagwawakas ang masamang pamamalakad at nag-bibigay daan sa malayang lipunan.
Sa nagdaang 41-taon, dalawang EDSA revolt na ang nangyari, 13 eleksyon at hindi na mabilang na rally at protesta ang naganap, subalit narito pa rin sila at nakikibaka.
Ilan sa adbokasiya ni Casiño ay abot-kaya at masustansyang pagkain mula sa ani ng sariling magsasaka, marangal na hanapbuhay at sahod, malinis na pamamahala, at maalis ang mga nagnanakaw at nagwawaldas sa kaban ng bayan.—ulat mula kay Ed Sarto, DZME News