Patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan para mahanap ang apat na Filipino Teachers na nananatiling unaccounted for matapos ang malakas na lindol sa Myanmar noong nakaraang linggo.
Isang team mula sa Philippine Embassy ang dumating sa Mandalay at aktibong ginalugad ang mga ospital kung saan dinadala ang mga nakaligtas at biktima mula sa mga gumuhong gusali.
Umaasa pa rin ang Department of Foreign Affairs (DFA) na buhay na matatagpuan ang apat na guro.
Naniniwala ang Embahada na nasa loob ng Sky Villa Building ang apat na Pinoy nang tumama ang magnitude 7.7 na lindol noong Biyernes.
Kabilang sa pinanghahawakang pag-asa ng DFA ang mga survivor na natagpuan, ilang linggo matapos tumama ang malakas na lindol sa Baguio City noong 1990.