Ipinaalala ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senator Sherwin Gatchalian sa mga taxpayer na maghain ng Income Tax Return (ITR) bago sumapit ang deadline.
Ito ay dahil sa Abril 17 na ang nakatakdang deadline ng paghahain ng 2022 Annual Income Tax Return (AITR) at ang pagbabayad ng buwis.
Binigyang diin ni Gatchalian na wala nang dahilan ang mga taxpayer na hindi nakapagpasa ng kanilang ITR bago o sa mismong araw ng deadline dahil maaari silang magtungo saan mang branch ng BIR o authorized bank nito.
Ipinanawagan din ng senador sa BIR na pabilisin ang programa nitong digitalization para mas maging madali sa mga taxpayer na magbayad ng kanilang buwis.
Target ng BIR na makakulekta ng P2.599-T ngayong 2023, mas malaki kumpara sa aktwal na koleksyon na P2.3-T noong nakaraang taon. —sa panulat ni Jam Tarrayo