dzme1530.ph

TATLONG PANUKALA PARA SA REPORMA SA PAGBUBUWIS BILANG TULONG SA PUBLIKO, INIHAIN SA SENADO

Loading

TATLONG panukala ang isinusulong ni Senador Loren Legarda para sa reporma sa pagbubuwis na magdudulot ng ginhawa sa mga pamilyang Pilipino habang tinitiyak ang pananagutan sa paggastos ng pamahalaan.

 

Iginiit ni Legarda na ang mawawalang kita mula sa tax cuts ay maaaring mabawi sa pamamagitan ng pagtugon sa korapsyon, na mas malaki ang nilalamang yaman kaysa sa halaga ng mga reporma.

 

Inihain ni Legarda ang Senate Bill No. 1851, Senate Bill No. 1857, at Senate Bill No. 1963, na naglalayong pababain ang presyo ng pagkain, gamot, at kuryente para sa karaniwang sambahayan.

 

Sa ilalim ng Differentiated VAT Rates Act o ang Senate Bill 1851, ipinanukala ang pagbaba ng VAT sa 10 porsyento para sa mga pangunahing produkto at serbisyo, habang nananatili ang 12 porsyento para sa mga luho gaya ng mamahaling sasakyan, real estate, sigarilyo, vape, at alak.

 

Kasama sa Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act o ang Senate BIll 1857 ang pagtanggal ng VAT sa mga pangunahing bilihin, gamot, at serbisyong medikal.

 

Sakop nito ang exemptions para sa over-the-counter medicines, first aid supplies, canned goods, cooking oil, instant noodles, sabon, at professional medical services.

 

Ang ikatlong panukala na Senate Bill 1857 ay naglalayong alisin ang VAT sa mga singil sa kuryente gaya ng Systems Loss at Lifeline Rate Subsidy, na ayon kay Legarda ay hindi dapat buwisan dahil ito ay subsidies na pasanin na ng mga konsumer.

About The Author