Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na tatlong Chinese research vessel ang namataan sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, at kasalukuyang binabantayan ng mga awtoridad.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG for the West Philippine Sea, kabilang sa mga barko ang BEI DIAO 996, isang malaking civilian research vessel na may kakayahang magsagawa ng iba’t ibang operasyon. Namataan ito sa layong 185 nautical miles mula sa Zambales.
Nabatid na umalis ito ng Guangdong Province noong Hunyo 16 at pumasok sa EEZ ng Pilipinas makalipas ang isang linggo.
Kasama rin sa mga namonitor ng PCG ang XIANG YANG HONG 10, isang multi-purpose research vessel na may kakayahang magsagawa ng deep-sea survey at seafloor mapping, at ang ZHUHAI YUN, ang unang intelligent unmanned drone carrier ng Tsina para sa oceanographic research.
Ang dalawang barkong ito ay namataan sa layong 195 nautical miles mula sa Rizal, Palawan, malapit sa Balagtas Reef, matapos umalis ng Guangdong noong Hunyo 23.
Patuloy na mino-monitor ng PCG ang presensya ng mga barkong ito sa loob ng EEZ ng bansa habang iniimbestigahan ang tunay nilang layunin.