Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbababa ng taripa sa imported na bigas.
Ito ay tungo sa target na makamit ang P29 na kada kilo ng bigas para sa mahihirap na Pilipino, at para na rin mapababa ang presyo nito sa pangkalahatan sa harap ng mataas na rice inflation na kumakatawan sa 50% o kalahati ng kabuuang inflation.
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na sa ilalim ng Comprehensive Tariff Program, mula sa 35% ay ibababa sa 15% ang in-quota at out-quota tariff rates sa bigas hanggang 2028.
Sisikapin ng NEDA na makamit ang P29 na kada kilo ng bigas, na ibebenta sa most vulnerable individuals kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Tiniyak naman ni Balisacan na hindi maaagrabyado ang local rice sector sa ibababang taripa sa imported rice, dahil daragdagan naman ang pondo para sa domestic production.