Inirekomenda ni Senador Risa Hontiveros sa gobyerno na gamitin ang mga taripa sa imported na bigas bilang one-time cash transfer o bilang ayuda upang matulungan ang mga mamimili habang mataas pa rin ang presyo ng bigas.
Layun nito na makinabang din ang mga pamilyang may mababang kita at lower-middle class bukod pa sa pagpapanatiling abot kaya ang presyo ng bigas.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang kita mula sa mga taripa sa pag-import ng bigas, kasama ang iba pang mga windfall revenues tulad ng excise taxes ng petrolyo, ay maaaring mapagkunan ng pondo para sa ayuda.
Sa tantya ng senadora, posibleng makatanggap ng P2,000 ang bawat pamilya o katumbas ng P15 na mababawas sa kada kilo ng bigas na kanilang bibilhin kada araw at kakayaning isustain sa loob ng 4 na buwan.
Una ang nagpahayag ng pangamba si Hontiveros laban sa panukalang pagbabawas sa mga taripa sa pag-import ng bigas.
Taliwas anya sa paninindigan ng Department of Finance na magiging abot-kaya ang bigas kung ibababa ang taripa, maaaring makapinsala pa ito sa sektor ng agrikultura at sa mga mamimili. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News