Dapat handa na sa December 15 ang mga tanong para sa plebesito sa Charter Change kung isasabay ito sa 2025 National and Local Elections.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia, ito ay upang matiyak na maisasama na nila sa balota ang tanong para sa cha-cha dahil pagsapit ng ikalawang linggo ng Enero 2025 ay mag-iimprenta na sila ng mga balota.
Sinabi ni Garcia na posibleng tatlong plebiscite questions na maaaring sagutin ng yes or no ang maisama sa balota bago ang pangalan ng mga kandidato sa pagka-senador.
Tiniyak din ng opisyal na kaya nang basahin ng mga bagong automated counting machines ang mga sagot sa plebiscite questions.
Kung hindi naman maihabol bago ang December 15 ang mga tanong para sa plebesito, posible anyang muli silang magpaimprenta ng mga balota.
Subalit isa pa anyang opsyon ay magkaroon ng hiwalay na balota para sa plebesito.