dzme1530.ph

Tangkang human trafficking sa karagatan, nauwi sa aksidente, isa patay

Loading

Patay ang isang pasahero, walo naman ang nailigtas, habang dalawa ang patuloy na pinaghahanap ng Philippine Coast Guard-South Western Palawan, matapos ang naganap na maritime incident na kinasasangkutan ng tumaob na bangkang de-motor, na MBCA Kumpit, sa katubigan sakop ng Sitio Matanggule, Barangay Bancalaan, Balabac, Palawan.

Ayon sa PCG, nakatanggap sila ng hiwalay na ulat ng insidente sa karagatan mula sa mga concerned citizen na pawang mangingisda.

Agad nagkasa ng SAR operations ang PCG na agad nakadiskubre sa katawan ng isang babae na palutang-lutang dagat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng PCG na isa itong illegal recruitment ng human trafficking na patungo sana sa Malaysia gamit ang backdoor route sa Bataraza, Palawan.

Ito’y batay na rin sa mga salaysay ng mga nakaligtas na nagmula sa magkakaibang lugar gaya ng Olongapo City, Zambales; Calamba, Laguna; Cavite;   Las Piñas City;  Tondo, Maynila;  Talisay City, Cebu;  at Mandaue City, Cebu, na dumating sa Puerto Princesa City, Palawan gamit ang isang puting van.

Ayon sa PCG, magpapatuloy ang SAR at follow-up operation, katuwang ang BRP Malapascua (MRRV-4403) at High-Speed Response Boat (HSRB) at PNP, para sa dalawang nawawalang indibidwal na sakay ng motorbanca, kabilang dito ang isang 41-taong gulang na kapitan ng bangka.

Agad namang ipinag-utos ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil  Gavan, ang pagpapaigting sa coastal at seaborne patrols sa mga pinaghihinalaang jump-off point at embarkation sites, maging ang monitoring, checkpoint operations at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

About The Author