Aral muna bago putak.
Ito ang naging sagot ni Sen. Joel Villanueva sa inilabas na pahayag ni Atty. Princess Abante, itinalagang tagapagsalita ng Kamara, na pinatay ng Senado ang ₱200 wage hike bill at iniwan sa ere ng mga Senador ang mga manggagawa.
Sinabi ni Villanueva na malinaw na ang Kamara ang bumigo sa wage hike bill at wala silang intensyon na ipasa ito.
Maituturing aniyang dead on arrival na ang panukala dahil sa pagmamatigas ng ilan na tanggapin ang panukalang mas realistic at mas katanggap-tanggap sa mga stakeholders.
Ipinaalala ni Villanueva na February 19, 2024 pa inaprubahan ng Senado ang proposed ₱100 Daily Minimum Wage Increase Act of 2024,” habang ang Kamara ay noong June 4, 2025 lamang nagpasa ng panukala.
Hindi rin aniya agad ipinadala ng Kamara sa Senado ang kanilang inaprubahang panukala kaya’t hindi maitakda ang bicam.
Sa kabila nito, sumulat si Villanueva sa Kamara upang iapela na iadopt na lamang nila ang ₱100 wage hike bill ng Senado.
Itinanggi rin niya ang akusasyon ni Abante na ayaw makipag-usap ng Senado at sinabing tila ang tagapagsalita ang hindi kumonsulta sa mga kongresista.
Isinalaysay ni Villanueva na noong June 10 ay nakipag-usap siya kasama si Senate President Francis Escudero sa ilang kongresista kaugnay sa panukala at nagpahayag ng kahandaan ang mga congressman na iadopt ang senate version.