Bumuwelta si Sen. Imee Marcos sa tagapagsalita ng Kamara sa naging pahayag na ang mambabatas ang hindi nagpabigay ng pondo para sa maintenance ng San Juanico Bridge na nag-uugnay sa Samar at Leyte.
Nagtataka si Marcos kung bakit siya ang hinahanapan ng aksyon ni Atty. Princess Abante sa halip na tanungin ang amo ng spokesperson na nakatira sa lalawigan.
Iginiit pa ng senadora na lahat na lamang ng nasa Kamara ay sa kaniya nakatingin kaya’t sana raw ay siya na lang ang nag-Presidente.
Binigyang-diin ng mambabatas na matagal na niyang inuusisa ang kondisyon ng San Juanico Bridge subalit deadma ang Department of Public Works and Highways at si House Speaker Martin Romualdez.
Ipinaalala pa niya na mula 2018 hanggang 2025, ₱451.4 million lang ang inilaan sa rehabilitasyon ng tulay na siya pa mismo ang nagtanong kung saan inilaan ang bilyun-bilyong pondo sa pambansang budget.
Sinabi ng senadora na bilyong piso ang nilustay sa mga daan subalit hindi man lamang ininspeksyon ang San Juanico Bridge at panay pagpipintura lamang ang ginawa.