Inaasahang mapipigilan ang kalimitang pagtaas ng presyo ng mga produkto tuwing sasapit ang Christmas season.
Ito ay sa pamamagitan ng Executive Order no. 41 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagpahinto sa paniningil ng pass-through fees ng mga lokal na pamahalaan sa mga sasakyang dumadaan sa national roads upang maghatid ng mga produkto.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Kim Lokin, isusulong ng EO 41 ang ease of doing business, na makababawas sa gastos ng mga lokal na negosyo, dahil maiiwasan ang samu’t saring mga patong bago makarating ang produkto sa mga consumer.
Sinabi ng DTI official na siguradong kapwa matutuwa ang mga negosyante at consumer, dahil nakikitang mapabababa nito ang presyo ng mga bilihin, o kung hindi man ay maiiwasan naman nito ang taas-presyo.
Una nang sinabi ng Pangulo na layunin ng kautusan na mapababa ang gastos sa transportasyon ng mga produkto upang mapababa rin ang presyo nito sa merkado.
Kalimitang sumisipa ang presyo ng mga bilihin tuwing christmas season sa harap ng tumataas na demand. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News