“Malasakit, hindi pasakit.”
Ito ang kagyat na reaksyon ni OFW party-list Rep. Marissa Del Mar Magsino, kasunod ng pagtaas sa pamasahe sa MRT-3.
Ayon sa nag-iisang kinatawan ng OFW sa Kongreso, maraming OFWs at air travelers ang tumatangkilik sa MRT-3 bilang transportasyon patungong airport para makatipid sa pamasahe.
Sinabi ni Magsino na kung tutungo sa paliparan, malaki ang diperensya sa pasahe kung sa MRT sasakay kumpara sa taxi o TNVS.
Dismayado ang mambabatas dahil sa halip na gawing mas maginhawa at abot-kaya ang kanilang byahe, ay pinahihirapan pa ang komyuter ng hand-carried luggage policy na nagbabawal sa malalaking bagahe sa MRT-3.
Punto ni Magsino, hindi ito usapin ng simpleng regulasyon kundi malasakit sa mga mananakay na Pilipino.
Naikumpara tuloy nito ang maayos na sistema sa ibang bansa na maaari ang malalaking bagahe sa mga pampublikong transportasyon.
Giit pa ng reelectionist representative ng OFW party-list, imbes na mag dagdag ng bawal, mas mabuti kung ia-adopt ang sistema sa ibang bansa upang higit na maging efficient at inklusibo ang pampublikong transportasyon sa Pilipinas.
Samantala, ipinatigil na ng Dep’t of Transportation, ang hand-carried luggage policy o pagbabawal sa tren ng malalaking bagay o bahage na may sukat na 2 by 2 feet bunsod ng concerns sa convenience ng mga pasahero.