Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatili muna ang suspensyon ng Kuwaiti government sa pag-iisyu ng entry at working visa sa mga Pilipino.
Bigo kasing maresolba sa dalawang araw na bilateral meeting ng Pilipinas at Kuwait ang naturang isyu,
Ngunit, tiniyak ni DFA Usec. Eduardo Jose de Vega na sinusubukan na nilang humanap ng “long-term solution” sa nasabing problema.
Ayon kay de Vega, ipinipilit ng Kuwaiti government na lumalabag ang Pilipinas sa kanilang batas.
Aniya, bagaman nirerespeto ng Pilipinas ang batas ng Kuwait ay ipinaliwanag na aniya nila na ang mga ginagawang hakbang ng Pilipinas tulad ng pagtatayo ng shelters ay para lamang maprotektahan ang mga distressed OFW at hindi ito labag sa kanilang bilateral labor agreement.
Gayunman, tiniyak ng DFA na nananatiling bukas ang Pilipinas sa pakikipag-dayalogo sa Kuwait upang maresolba ang isyu. —sa panulat ni Jam Tarrayo