![]()
Isinusulong ni Sen. Lito Lapid ang panukalang magpapatupad ng awtomatikong suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Layunin ng Senate Bill 1522 ni Lapid na amyendahan ang Section 148 ng National Internal Revenue Code.
Ang batas ay una na ring inamyendahan ng TRAIN Law kaugnay ng ipinapataw na excise taxes bilang promosyon sa energy efficiency.
Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Lapid na simula noong 2020, ang ipinapataw na excise tax ay ₱10 kada litro ng unleaded premium gasoline; ₱6 kada litro ng diesel; ₱5 kada litro ng kerosene; ₱3 kada kilo ng LPG; at ₱6 kada metric ton ng petroleum coke.
Ipinaliwanag pa nito na lumilitaw sa pag-aaral na ang mas mataas na excise tax sa produktong petrolyo ay nagdudulot ng negatibong epekto sa iba’t ibang industriya at nagreresulta sa mas mababang output, mas mataas na presyo at employment losses.
Nakasaad sa panukala na magiging automatic ang suspension ng excise taxes sa regular gasoline, unleaded premium gasoline at diesel sa panahong labis ang pagtaas ng presyo ng mga ito at may kakapusan ng suplay.
Layunin nitong bawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa mga consumer at industriya; ibaba ang inflationary pressure; suportahan ang economic stability; at makaagapay ang mga polisiya ng gobyerno sa pabagu-bagong kondisyon ng merkado.
Naniniwala si Lapid na sa pamamagitan ng flexible mechanism sa tax suspension, mababalanse ang kita ng gobyerno at kapakanan ng mamamayan.
Sa kasalukuyang batas, maaaring suspindihin ang excise tax kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai crude, subalit nag-expire na ang probisyong ito noong 2020.
