dzme1530.ph

Suspensyon ng EDSA rehab project, suportado

Loading

Suportado ni Sen. Pia Cayetano ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang ipatigil ang implementasyon ng EDSA Rehabilitation Project, bunsod ng pangambang ito’y magdudulot ng matinding pasanin sa milyun-milyong pasahero at motorista.

Sinabi ni Cayetano na bagama’t mahalagang i-modernize ang mga kalsada at imprastruktura, dapat itong isagawa sa paraang hindi lubusang makakaapekto sa araw-araw na biyahe ng publiko.

Ang nakatatakot na trapik na idudulot aniya ng pagsasara ng EDSA ay dagdag na pasakit sa mga commuter na araw-araw nang nagtitiis sa isa sa mga pinakamasikip na kalsada sa buong Asya.

Iminungkahi rin ng mambabatas na pag-aralan ang paggamit ng makabagong teknolohiya at paraan ng konstruksyon upang mapabilis ang rehabilitasyon nang hindi labis na naaabala ang publiko.

Ipinaliwanag ni Cayetano na ang ganitong hakbang ay nakatutugon sa Sustainable Development Goal 11 ng United Nations na Sustainable Cities and Communities, na naglalayong lumikha ng mga lungsod na ligtas, matatag, at sensitibo sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mamamayan.

About The Author