Maaaring palayasin sa Pilipinas o i-deport si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa sandaling mapatunayang hindi siya Pilipino.
Sa pagdinig ng senate committee on women, ipinaliwanag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na maaaring gamitin sa quo warranto case laban sa alkalde ang mga bagong dokumentong nahalukay ng mga senador.
Kabilang sa dokumentong magpapalakas sa quo warranto case laban kay Guo ang record ng National Bureau of Investigation kaugnay sa isa pang Alice Guo na kapangalan ng alkalde at kapareho ng kapanganakan subalit magkaiba ang hitsura sa larawan.
Kahapon sa pagdinig sa Senado, kinumpirma ng Philippine Statistics Authority na gumugulong na rin ang kanselasyon ng birth certificate ng alkalde at tatlo pa niyang kapatid.
Ayon sa IACAT kung makansela ang birth certificate ni Guo ay mawawalan din siya ng citizenship kaya maaaring mai-deport.
Gayunman, kailangan munang harapin ni Guo ang mga kaso at parusa laban sa kanya bago maipatapon sa ibang bansa.