dzme1530.ph

Supplemental budget para sa PhilHealth, iginiit

Loading

Nanawagan si Sen. JV Ejercito sa mga kapwa senador at sa mga kongresista kasama na rin ang Malacañang na magpasa ng supplemental budget para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa halagang ₱74.4 bilyon.

Ito ay para sa subsidiya sa PhilHealth ngayong taon na una nang tinapyas dahil sa ₱500 bilyong savings ng ahensya.

Iginiit ni Ejercito na kailangan ang pondo upang maipatupad ang atas ng Pangulo at mithiin ng Universal Health Care Law na zero balance billing o wala nang babayaran sa public hospitals.

Nanawagan din si Ejercito na i-convene ang Joint Congressional Oversight Committee upang repasuhin ang implementasyon ng Universal Health Care Law.

Iginiit ng senador na sa kanyang pag-iikot sa mga public hospital, may mga nagrereklamo pa rin sa bayarin sa ospital at may mga pagamutan na umaapaw ang pasyente sa ward, tumutulo ang bubong at binabaha.

Kasabay nito, pinaiimbestigahan din ni Ejercito ang pagsibak sa ilang opisyal at kawani ng Department of Health na may institutional knowledge na sa implementasyon ng Universal Health Care Law.

Samantala, iginiit ni Senador Raffy Tulfo na dapat lamang na pondohan ang implementasyon ng batas dahil marami ang umaasa sa guarantee letters ng mga elected officials, PCSO at DSWD para makapagpagamot sa ospital.

About The Author