Bilang tugon sa inaasahang tatlong araw na transport strike na ipinanukala ng transport group na Manibela, nanawagan ang TRABAHO Partylist para sa pagpapatupad ng mga alternatibong set-up sa trabaho at mas suporta sa transportasyon upang mabawasan ang posibleng pagkaantala sa mga manggagawa.
Ayon kay Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, mahalaga na parehong sektor ng gobyerno at pribado ay magpatupad ng mga flexible na polisiya sa trabaho, tulad ng remote work setups at compressed workweeks, upang matiyak ang pagpapatuloy ng negosyo at maprotektahan ang kapakanan ng mga empleyado sa panahon ng strike.
Inanunsyo rin ng partylist ang pagsuporta sa pagpapalabas ng mga karagdagang sasakyan mula sa gobyerno upang magbigay ng libreng sakay at ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan para magbigay ng lokal na serbisyo sa transportasyon sa mga lugar na matinding apektado ng strike.
Itinuturing na isang indikasyon ng patuloy na tensyon sa pagitan ng mga transport group at gobyerno ang nalalapit na strike, kaugnay ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ayon sa isang survey, maraming jeepney driver ang nakikita ang programa ng gobyerno bilang isang banta sa kanilang kabuhayan.
Binanggit ng mga driver sa isinagawang pag-aaral ang kanilang mga alalahanin hinggil sa mataas na gastos ng pagpapalit sa mas bago, at mas environment-friendly na mga sasakyan.
Dahil dito, hinimok ng mga tsuper ang gobyerno na magbigay ng pinansyal na tulong, tulad ng mga mababang interes na pautang o subsidies, upang mapadali ang transition sa modernong mga sasakyan.
Aminado ang TRABAHO Partylist sa pangangailangan ng modernisasyon sa sektor ng pampublikong transportasyon, ngunit binigyang-diin nila na ang mga inisyatibang ito ay dapat isinasaalang-alang ang mga sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga jeepney driver at operator.
Habang papalapit ang araw ng strike, hinihikayat ng TRABAHO Partylist ang lahat ng stakeholder na makipag-dayalogo at magtulungan upang malutas ang mga pangunahing isyu at makahanap ng mga sustainable na solusyon na makikinabang ang sektor ng transportasyon maging ang mga commuter.