Tiniyak ni Senate Prsident Juan Miguel Zubiri na tuloy-tuloy ang suporta ng Senado sa mga pangangailangan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa patuloy na paglaban sa soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Zubiri ang pangako makaraang pangunahan ang groundbreaking ceremonies sa itinatayong Marine Barracks at Special Rural Health Unit sa Pagasa Island sa Palawan.
Sinabi ni Zubiri na handa rin ang Senado na suportahan sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo ang mga proyekto para sa kaunlaran ng isla.
Bukod ito sa pagpopondo sa mga kinakailangang kagamitan ng AFP at maging ng PCG.
Isa sa nakita ni Zubiri na pangangailangan sa isla na kinakailangang agarang tugunan ay ang pagkakaroon ng maayos na internet connection.
Sinabi ni Zubiri na kakausapin nila ang mga telecommunication company upang mabigyan ng maayos na serbisyo ang isla dahil kinakailangan din ito sa pag-aaral ng mga bata.
Partikular ding makikipag-ugnayan ang senate leader sa Smart Communications upang resolbahin din ang isyu sa teritoryo sa kanilang serbisyo.
Ito ay dahil sa pagpasok sa teritoryo ay mayroong natatanggap na mensahe ang smart subscribers na nagwewelcome sa kanila sa China gayung ang Pagasa Island ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.