Muling tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang dagdag na suporta sa Philippine Coast Guard (PCG) para mapaigting ang pagbabantay sa ating mga karagatan.
Sinabi ni Zubiri na bukod sa commitment na taasan ang pondo para sa pagbili ng mga dagdag na sasakyang pandagat ay daragdagan din nila ang budget ng PCG para sa maintenance and other operating expenses (MOOE).
Ipinaliwanag ng senate leader na ang dagdag MOOE ay para sa panggastos sa gasolina at iba pang mga pangangailangan ng mga patrol ships ng PCG at sa mga magiging tauhan nito.
Iginiit din ni Zubiri na target nilang mabigyan ng kakayahan ang PCG na makabili ng malalaking patrol ships upang mas mapahaba ang presensya nila sa ating mga maritime territory.
Hindi naman isinapubliko ng senador ang eksaktong halaga ng karagdagang pondong kanilang ipagkakaloob.
Suportado rin nI Zubiri ang sinusulong ni Senador Francis Tolentino na dagdag-pondo para sa PNP maritime group na nagpapatrolya naman anya sa inner coastal waters ng Pilipinas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News