Nasa 19 hanggang 20 senador ang naniniwalang dapat sundin ang ruling ng Korte Suprema kaugnay sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa gitna ng umiikot na resolution upang bumuo ng sense of the Senate na nananawagan sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang ruling.
Sinabi ni Estrada na ibinatay niya ang bilang sa pahayag at body language ng kanyang mga kasamahan.
Posible aniya na sa August 6 ay matalakay din ang resolution kung sakaling ito ay maihain at mairefer na sa plenaryo.
Muli ring nanindigan si Estrada na wala nang dahilan upang muling mag-convene ang impeachment court dahil sa ruling ng Korte Suprema na wala silang hurisdiksyon sa “unconstitutional” na reklamo.
Naniniwala rin si Estrada na hindi na kailangang hintayin ang magiging sagot ng Supreme Court sa ihahaing motion for reconsideration ng Kamara bago nila desisyunan ang susunod na hakbang sa impeachment case.