Ikinabahala ni Sen. Grace Poe ang sunud-sunod na mga aksidente sa kalsada na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng ilan.
Iginiit ni Poe ang mahigpit na pangangailangang agad aksyunan ang mga ganitong aksidente.
Sa gitna ng pagdagsa ng mga motorista ngayong Semana Santa, binigyang-diin ng senador na hindi maaaring maging maluwag ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko.
Mahalaga aniya ang mahigpit na pagbabantay sa kalsada upang maiwasan ang mga trahedya.
Hinimok din ng mambabatas ang mga ahensya ng transportasyon at mga lokal na pamahalaan na gawing mas malawak ang ugnayan upang matiyak ang presensya ng mga awtoridad sa kalsada at ang mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Bilang pangmatagalang solusyon, muling iginiit ni Poe ang panukalang paglikha ng isang independent transportation safety board na ahensyang may sapat na kakayahan na magsagawa ng masusi, napapanahon, at batay sa ebidensyang imbestigasyon sa mga sanhi ng mga aksidente sa kalsada.
Binigyang-diin pa ng senadora na ang mga buhay na nawala sa kalsada ay hindi kailanman mapapalitan o matutumbasan kaya kailangang seryosohin at agad tugunan ang isyung ito.