Nagpapatuloy ang pag-apula ng malaking sunog na sumiklab sa Happyland Aroma, Tondo, Maynila ngayong araw, sa tulong ng Bureau of Fire Protection (BFP) at isang helicopter na nagsasagawa ng aerial water drop.
Umabot na sa Task Force Charlie ang alarma, as of 10:57 a.m.
Ang sunog ay nagsimula pasado alas-9:47 ng umaga.
Ayon sa BFP, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa siksikan at dikit-dikit na mga kabahayan na gawa sa light materials.
Kwento ng mga residente, mas malaki ang sunog na ito kumpara sa naitalang insidente noong September 2024.
Nagdulot din ito ng matinding trapiko sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard, sa magkabilang panig, dahil sa dami ng mga fire truck na rumesponde.
Personal na nagtungo sa lugar si Mayor Isko Moreno upang subaybayan ang sitwasyon at magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong residente. Nagpahayag rin ito ng pakikiramay at nanawagan ng ibayong pag-iingat sa gitna ng insidente.
Nagbibigay na rin ng tulong at serbisyo ang mga medical personnel sa mga nasugatan o naapektuhan.
Samantala, bumuhos ang malakas na ulan sa lugar na naging malaking tulong sa pagsugpo ng sunog.