Nais ni Sen. Sherwin Gatchalian na taasan ang subsistence allowance ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) mula ₱150 tungo sa ₱350 kada araw upang maipantay sa natatanggap ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel ng pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, layunin nitong mapanatiling mataas ang morale ng mga Coast Guard personnel at maipakita ang pagkilala sa kanilang kagitingan at sakripisyo, lalo na sa gitna ng patuloy na pangha-harass ng China Coast Guard at iba pang banta sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ng senador na ang pagpapatrolya ng Coast Guard ay hindi lamang simpleng trabaho kundi sakripisyo para sa bayan.
Makakatulong aniya ang dagdag-allowance upang maibsan ang pasanin ng mga miyembro ng PCG at maipakita na pinahahalagahan ng gobyerno ang kanilang serbisyo.
Nasa mahigit 20,000 Coast Guard personnel ang makikinabang sa panukalang pagtaas ng subsistence allowance, na maaaring maisama sa proposed 2026 national budget.
Kasabay nito, ipinaalala ni Gatchalian na epektibo noong Enero 2025 ay tumaas na sa ₱350 kada araw ang daily subsistence allowance ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.