dzme1530.ph

Subsistence allowance ng mga sundalo at pulis, pinadaragdagan!

Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo na madagdagan ang subsistence allowance ng lahat ng opisyal at enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) gayundin ang lahat ng commissioned at non-commissioned personnel ng Philippine National Police (PNP).

Sa kanyang Senate Joint Resolution No.2, nais ni Tulfo na itaas sa P250 mula sa P150 ang subsistence allowance ng mga uniformed personnel kada araw.

Una nang ikinairita ni Tulfo ang napakababa anyang allowance ng mga sundalo at pulis na tinitipid nila para sa almusal, tanghalian, at hapunan kaya’t hindi sasapat para makabili ng disenteng hamburger.

Sinabi ng senador na panahon nang kilalanin at bigyang kahalagahan ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga sundalo at pulis sa pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayan.

Kasabay nito, hinimok ni Tulfo ang DND, sa pakikipag-ugnayan sa AFP at Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang PNP, na maglalabas ng mga guidelines at regulasyon na kinakailangan upang maipatupad ang mga probisyon ng joint resolution.

Iginiit din nito sa gobyerno na isama sa General Appropriations Act ang tamang alokasyon para sa kabuuang pagtaas sa subsistence allowance. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author